Paalam, Sir Yambot

A simple tribute to a great man.

Isusulat ko ito sa Filipino. Sa galing ni Sir Yambot sa grammar, baka ma-edit pa ako. Astig mag-edit si Sir Yambot. Pero mabait. Bihira ang gano’n sa newsroom, ‘yung astig pero hindi sumisigaw, magaling pero hindi mayabang, sikat pero simple lang.

Hindi ko na maalala kung kailan ko unang nakilala si Sir Yambot. Malamang sa interview ko noon para sa Inquirer scholarship. Takot ako sa interview. At dahil hindi ko na siya maalala, ibig sabihin hindi ako natakot sa kanya.

Sa posisyon at karanasan niya, dapat nakakatakot si Sir Yambot. Siya ang publisher ng Inquirer mula noong natanggap akong Inquirer scholar, hanggang sa natanggap ako bilang reporter, hanggang sa nag-resign ako, hanggang sa bumalik ako at nagresign uli. Madali akong matakot, lalo na sa mga astig na katulad niya. Pero hindi nakakatakot si Sir Yambot.

Noong grumadweyt ako ng college, hindi ako natakot na imbitahin siya sa graduation namin. Pumunta siya at nagdala pa ng regalo! Noong nag-apply ako ng scholarship sa Singapore, at pati sa Fulbright, hindi ako natakot humingi ng recommendation letter sa kanya.

Noong mapasama ako sa TOSP noong 2003, si Sir Yambot ang unang nag-congratulate sa akin. Apat na buwan pa lang akong reporter noon. Kaya pala, isa pala siya sa mga judges!

Astig si Sir Yambot. Pero hindi siya nakakatakot.

Karamihan sa mga forwarded emails ni Sir Yambot ay binasa ko. Hindi dahil takot ako sa kanya, kundi dahil sa respeto ko sa kanya. Pinuntahan ko lahat ng mga seminar na in-organize niya, kahit malayo ang Camanava sa Makati, hindi dahil takot ako sa kanya, kundi dahil mabait siya. At dahil na rin sa mga raffle. Nanalo ako ng jacket, minsan.

Laging nakangiti at malumanay magsalita si Sir Yambot. Laging nangungumusta. Laging nakikihalubilo, lalo na kapag may pagkain. Nakakatawa minsan. Nakakatuwa madalas. Hindi niya ipinaparamdam na higit siyang nakakataas. Astig si Sir Yambot. Pero hindi siya nakakatakot.

Sa internet ko nabalitaan ang nangyari. Trending topic kasi siya sa Twitter. Ang hirap nga lang ng malayo. Hindi man lang ako makakapagpaalam sa kanya. Hindi ko man lang masasamahan ang mga kaibigan ko sa pagbibigay-pugay sa pinakamabait na boss na nakilala ko.

Kaya sa internet ko na rin lang idadaan ang pagbibigay-karangalan sa pagiging astig nya.

Sa bandang huli, ang maaalala ng karamihan ay hindi ang pagiging mahusay mong diyarista, hindi ang pagiging sikat mo, hindi ang pagiging mayaman mo, hindi ang pagiging mataas ng tungkulin mo. Sa bandang huli, ang maaalala ng karamihan ay kung paano ka nakitungo sa mga taong nakasalubong mo.

Kaya naman hindi ka namin makakalimutan, Sir Yambot. Trending ka palagi sa aming mga puso.

Advertisements